Pinaiimbestigahan na ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang pagsasailalim ng Red at Yellow Alert status sa Luzon at Visayas Grid ngayong Abril.
Kaugnay nito, ay ipinatawag ng ERC ang anim na generation companies upang magpaliwanag kaugnay sa nangyaring power outages sa ilang planta ng kuryente sa Luzon at Visayas.
Ayon sa ERC, inaasahan nilang mailalabas ang preliminary findings sa unang linggo ng Mayo upang matukoy kung kinakailangan na maghain ng show cause order sa mga stakeholder, at kung posibleng lumabag ang mga ito sa outages allowances.
Matatandaang noong 2023, pinatawan ng ERC ng multa ang 14 na generation companies dahil sa paglabag sa allowable number of outage days.
Samantala, binabantayan din ng ERC ang mga presyo sa Wholesale Energy Spot Market (WESM) sa nakalipas na10 araw, dahil lumalala ang pagnipis ng reserba ng kuryente habang tumataas ang demand dahil sa record-high na heat index o init factor.
Sinabi naman ni ERC Chairperson at CEO Monalisa Dimalanta, na masusi nilang pinag-aaralan ang mga karagdagang hakbang na maaaring ipatupad sa ilalim ng pagtaas sa demand ng kuryente bunsod ng El Niño, at kakulangan ng supply. | ulat ni Diane Lear