Isang malaking sunog ang tumupok sa higit 70 ektaryang bahagi ng kabundokan sa bayan ng Oslob, sa Katimogan ng Cebu Sabado ng gabi.
Ayon sa mga residente, nag-umpisa ang forest fire sa Oslob pasado alas-7 ng gabi, Sabado Abril 6, 2024 sa damuhang bahagi ng Barangay Cañang.
Mabilis itong kumalat patungong karatig barangay ng Calumpang, Poblacion, at Daan Lungsod.
Umabot sa first alarm ang nasabing sunog alas 9:33 ng gabi at idineklarang fire out alas 2:15 na ng madaling araw, Linggo, Abril 7, 2024.
Pinagsamang pwersa ng Bureau of Fire Protection Oslob at Oslob Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ang rumesponde sa malaking forest fire sa Cebu.
Inaalam pa ang sanhi ng sunog at ang pinsala ng forest fire sa nasabing bayan.
Bukod sa whaleshark watching sa Barangay Tan-awan at ang kakaibang Tumalog Falls, dinadayo din ng turista ang Oslob dahil sa mga wild monkeys o unggoy na makikita sa Sitio Bulak, Barangay Hagdan.
Kasalukuyang nararanasan ng Cebu ang mainit na panahon dulot ng El Nino phenomenon.| ulat ni Jessa Agua-Ylanan| RP1 Cebu