Patuloy na nadadagdagan ang bilang ng mga Pilipinong nagparehistro na sa Philippine Identification System (PhilSys).
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), kabuuang 85.2-milyong Pinoy na ang PhilSys-registered as of March 15.
Itinuturing itong tagumpay ni National Statistician and Civil Registrar General PSA Undersecretary Claire Dennis Mapa na nagpapakita ng patuloy na suporta ng mamamayan sa national ID.
“My utmost gratitude goes to our registration teams who work twice as hard to reach the last mile of the population in line with our commitment to ensure that no one will be left behind,” ani Usec. Mapa.
Mula naman sa bilang na ito, 49.2 milyong PhilIDs na rin ang nai-deliver ng PSA habang nakapag-isyu na rin ito ng 45,955,483 ePhilIDs.
Kamakailan lang nang ilunsad na rin ng PSA ang PhilSys registration para sa mga batang nasa edad 1- 4, na maaaring gawin sa anumang registration centers sa bansa.
Bukod dito, nagpapatuloy rin ang pag-iikot ng mobile registration initiatives lalo sa Geographically-Isolated and Disadvantaged Areas (GIDAs) at pati na ang institutional registration activities kung saan inilalapit ang pagpaparehistro sa mga eskwelahan. | ulat ni Merry Ann Bastasa