Tinabla ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang panawagan ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez sa mga Sundalo at Pulis na talikuran na ang Administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa ika-50 anibersaryo ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP), sinabi ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. na mananatili ang AFP bilang isang propesyunal na organisasyon.
Giit ng AFP Chief, malinaw naman ang kanilang mandato na ipagtatanggol ang Saligang Batas at susunod sa kanilang Chain of Command bilang duly constituted authority.
Sinuman aniya ang maupong Pangulo ng bansa ay doon mananatili ang kanilang katapatan dahil iyon ang inihalal ng taumbayan na kanilang pinaglilingkuran.
Kaya naman pinaalalahanan ni Brawner ang mga Sundalo na manatiling tapat sa Saligang Batas at sundin ang mga taong binigyan ng mandato upang ipatupad ito. | ulat ni Jaymark Dagala