Nanawagan si Kabayan Party-list Representative Ron Salo sa pamahalaan, na maglatag ng mekanismo upang agad na maipaalam sa mga pamilya ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa Taiwan, ang kanilang kalagayan.
Ito’y kasunod na rin ng tumamang 7.4 magnitude na lindol sa southeastern coast ng Taiwan nitong April 3.
Pinatitiyak din ng chairperson ng House Committee on Overseas Workers Affairs sa Manila Economic and Cultural Office (MECO) sa Taiwan, Department of Migrant Workers (DMW), at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na aktibong bantayan ang sitwasyon doon para mabilis na mapaabutan ng tulong ang mga OFW na apektado ng kalamidad gayundin ay tulungan sila sa pagbangon.
Nagpaabot naman ng pakikisimpatya si Salo sa lahat ng apektado ng kalamidad at umaasang agad makakabangon ang Taiwan mula dito.
Tiniyak din ng mambabatas na patuloy nilang babantayan at titiyakin ang kaligtasan ng mga OFW na nakatira doon. | ulat ni Kathleen Jean Forbes