Nagsagawa ngayong araw ng sabayang air combat training ang Philippine Air Force (PAF) at US Air Force (USAF) sa Basa Airbase, Floridablanca, Pampanga.
Ang pagsasanay na gumamit ng FA-50 fighter ng PAF at F-16 fighter ng USAF ay bahagi ng Cope Thunder Philippines 24-1 Exercise, na layong mapahusay ang kolaborasyon at interoperability ng dalawang pwersa.
Sa naturang pagsasanay, nagsagawa ang mga piloto ng defensive at offensive maneuvers katulad ng basic fighter maneuvers, air combat maneuvers, at tactical intercepts para mahasa ang kanilang kakayahan at kahandaan sa labanan.
Ang pagsasanay sa air combat at iba pang air at ground operations ay makakatulong sa paghahanda ng PAF para lumahok sa Pitch-Black warfare exercise ng Royal Australian Air Force, sa darating na Hulyo. | ulat ni Leo Sarne