Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Rommel Francisco Marbil na katulong nila ang Prosecutors Office para masiguro na air tight ang kaso laban sa mga nasa likod ng malaking bulto ng shabu na nasabat noong Lunes sa Alitagtag, Batangas.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PGen. Marbil na kasalukuyang nagsasagawa ng case build up ang PNP laban sa arestadong suspek at iba pang mga possibleng sangkot.
Humingi ng paumanhin si PGen. Marbil kung hindi makapaglabas sa ngayon ng kumpletong impormasyon ang PNP sa kaso, dahil ayaw nilang makumpromiso ang imbestigasyon.
Sinabi naman ni Batangas Provincial Prosecutor Atty. Lourdes Zapanda na ang Prosecutors Office ang pumipigil sa PNP sa paglalabas ng impormasyon para mapangalagaan ang ebidensya.
Ayon pa kay Atty Zapanda, hindi makakaapekto sa kaso ang pagbaba ng bilang ng nasabat na droga sa 1.4 na tonelada mula sa inisyal na estimate na humigit kumulang 2 toneladang shabu. | ulat ni Leo Sarne