Patuloy ang isinasagawang operasyon ng Department of Transportation-Special Action and Intelligence Committee for Transportation (DOTr-SAICT) sa EDSA Busway, ngayong araw.
Kaugnay nito, huli ang isang driver ng ambulansyang naka-wang-wang at nagtangkang lumusot sa busway dahil magsusundo umano ito ng pasyente.
Kinalaunan ay umamin ang driver na nais lamang nitong umiwas sa trapiko sa EDSA.
Ang nasabing ambulansya ay mahaharap sa patong-patong na traffic violation gaya ng broken light, unauthorized use of busway, at improper plate.
Samantala, simula alas-5 ng madaling araw, nasa 12 mga pasaway na motorista ang natiketan ng SAICT-Intelligence Monitoring and Evaluation Team.
Ayon sa SAICT, patuloy nitong paiigtingin ang operasyon laban sa mga pasaway na motorista at kolorum na sasakyan sa buong bansa alinsunod sa direktiba ni Transportation Secretary Jaime Bautista.
Layon nitong mapanatili ang kaligtasan at seguridad ng mga pasahero, gayundin ang pagpapatupad ng roadworthiness sa mga pampublikong sasakyan. | ulat ni Diane Lear