Binigyang diin ni White House National Security Communications Advisor John Kirby na mas mabibigyang bigat ng nakatakdang trilateral meeting ang tungkol sa lalo pang pagpapalalim sa partnership sa pagitan ng Pilipinas, Amerika at ng Japan.
Sa panayam kay Kirby ng Philippine media delegation sa Washington, sinabi nitong mas prayoridad ng nakatakdang pagpupulong bukas ay kung ano ang makabubuti para sa mga Pilipino, Amerikano at mamamayan ng Japan.
Hindi naman itinanggi ni Kirby na magiging bahagi ng talakayan ang mga nakaraang aksiyon ng China sa West Philippine Sea (WPS), subalit hindi aniya ito ang kanilang magiging pangunahing agenda.
Mas mabibigyang pokus aniya ang may kinalaman sa economic at energy security pag-invest sa mga critical infrastructure, at ang pagpapatatag sa people-to-people ties.
Pero nabanggit ni Kirby, na Kasama sa magiging tagpo ng trilateral meeting nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at President Joe Biden ay ang katiyakan ng Amerika sa commitment nitong pagiging iron clad bilang kaalyadong bansa ng Pilipinas. | ulat ni Alvin Baltazar