Hinihintay na lamang ng pamahalaan ang ilalabas na guidelines ng Anti-Money Laudering Council (AMLC), na magsisilbing basehan ng payment system providers sa bansa upang ikonsidera ang isang transaksyon bilang ‘red flag’.
Pahayag ito ni Justice Atty. Margarita Magsaysay sa gitna ng ginagawang pagpapalakas ng pamahalaan sa laban kontra sa online sexual abuse at exploitation sa mga kabataan sa cyber space.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ng opisyal na base sa ginawang pag-aaral ng AMLC, kabilang sa mga maituturing na ‘red flag indicators’ ang mga pagpasok ng mga maliliit na halaga ng pera sa online wallet o bank accounts.
Lalo na kung nagmula ito sa abroad, papasok ng Pilipinas na hindi naman kamag-anak ng pinadalhan ng pera.
Maaari aniya ituring ang mga transaksyon na ito bilang indikasyon o posibleng mayroong kinalaman sa mga krimen laban sa mga bata.
Base sa datos, umaabot sa bilyong piso ang halaga ng umiikot na pera sa mga nasa likod ng pang-aabuso at exploitation sa mga kabataan sa cyber space.
Si Pangulong Marcos inatasan na ang mga kinauukulang tanggapan ng pamahalaan na palakasin ang laban sa krimen na ito. | ulat ni Racquel Bayan