Patuloy pa sa pagbaba ang lebel ng tubig sa Marikina River bunsod na rin ng nararanasang tag-init na pinalala pa ng El Niño.
Batay sa datos mula sa Marikina City Rescue 161, nasa 10 metro na ang lebel ng tubig sa ilog mula sa dating 11 metro buhat nang pumasok ang buwan ng Abril.
Lubhang napakalayo nito kumpara sa normal na water level sa Marikina River na nasa 13.5 metro.
Una nang inihayag ni Marikina City Mayor Marcelino Teodoro na hindi pangkaraniwan ang pagbaba ng lebel ng tubig sa Ilog Marikina.
Gayunman, sinasamantala ito ng ilang mga residente roon para magtanim sa tabi ng ilog gaya ng okra at talbos ng kamote para makatulong sa kanilang pang-araw-araw na pagkain.
Pero nilinaw naman ng mga nagtatanim sa tabi ng ilog na kanila namang naipagpaalam ito sa lokal na pamahalaaan at ititigil din ito sa sandaliing magsimula na muling bumalik sa normal ang lebel ng tubig para na rin sa kanilang kaligtasan. | ulat ni Jaymark Dagala