Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) na patuloy nilang binabantayan ang sitwasyon ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa Taiwan.
Ito, ayon kay bagong Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, ay dahil sa patuloy na nakararanas ng malalakas na lindol ang Taiwan mula pa noong magsimula ang buwan ng Abril.
Sa kaniyang kauna-unahang pulong balitaan, sinabi ni Cacdac na wala pa rin silang natatanggap na bagong datos hinggil sa mga nasugatang Pilipino kasunod ng nangyaring lindol sa Taipe nitong weekend.
Gayunman, sinabi ni Sec. Cacdac na hindi tumitigil sa paghahatid ng tulong ang DMW katuwang ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa mga OFW na apektado ng lindol.
Magugunitang buhat nang magsimula ang mga pagyanig sa Taiwan noong April 3, nakapagtala na sila ng 16 na Pilipino na nasugatan doon. | ulat ni Jaymark Dagala