Binuksan ng Bureau of Immigration (BI) ang bagong venue nito para sa oathtaking ceremonies para sa dual citizenship applicants sa lungsod ng Maynila.
Ayon sa BI, layunin ng hakbang na ito na pagandahin pa ang kalidad ng serbisyo at satisfaction ng mga kliyente nito sang-ayon sa Republic Act No. 9225 o kilala rin bilang Citizenship Retention and Reacquisition Act of 2003.
Sa bagong pasilidad ng BI, maaari nang magsagawa ng panunumpa ang mga aplikante sa mas malawak na area na matatagpuan sa BI headquarters sa Intramuros.
Sinabi naman ni BI Commissioner Norman Tansingco na bahagi ito pagsisikap ng BI para mapabuti ang serbisyo nito sa publiko kasabay ng plano ng paglipat ng operasyon nito sa Pasay City at ang pagbubukas ng mas marami pang immigration offices sa hinaharap.
Bukod pa rito, may mga nauna nang binuksang BI offices sa mga lugar ng Pagadian, Siargao, at Camiguin. | ulat ni EJ Lazaro