Inihayag ni Migrant Workers Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac na nadagdagan pa ang bilang ng mga Pilipinong nasugatan matapos ang tumamang magnitude 7.2 na lindol sa Taiwan noong April 3.
Sa kaniyang post sa X, sinabi ni Cacdac na dalawa pang overseas Filipino workers (OFWs) ang naitalang nasugatan, kabilang dito ang isa na nagtamo ng sugat sa kaliwang paa, at ang isa naman ay nagkaroon ng sugat sa kaliwang kamay.
Dahil dito umabot na aniya sa 11 ang kabuuang bilang ng mga nasugatang OFW.
Ayon sa DMW, ang lahat ng mga OFW na nasugatan ay nabigyan na ng atensyong medikal at kasalukuyang nagpapagaling sa mga dormitoryo ng kanilang mga kumpanya.
Tiniyak din ng DMW katuwang ang Migrant Workers Office sa Taipei, na patuloy silang nakabantay sa sitwasyon ng mga Pilipino doon at nakahanda itong magbigay ng tulong sa mangangailangan.
Nauna rito, nagpadala na kahapon ng six-member augmentation team ang ahensya sa Taiwan upang makapagbigay ng psychosocial at mental wellness support para sa mga apektadong OFW. | ulat ni Diane Lear