Balik normal na rin ang biyahe ng Light Rail Transit o LRT line 2 ngayong unang araw ng trabaho matapos ang mga Semana Santa.
Sa LRT-2 Santolan Station sa Marikina City, pabugsu-bugso na ang dating ng mga pasahero lalo na iyong mga papasok ng trabaho.
Gayunman, mas dagsa ang mga pasahero sa Antipolo Station dahil doon na ang unang istasyon ng linya patungong Recto Station sa Maynila at pabalik.
Kasunod nito, nagpaabot ng pasasalamat ang pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) sa mga kawani nito na walang pagod na naghatid serbisyo sa kanilang taunang maintenance activities.
Kabilang sa mga nagtulong-tulong para mapabuti ang serbisyo ng LRT-2 ay ang Engineering Department, Operations Department, Safety and Security Division, General Services, Fire Revenue Operations, Public Relations, at iba pa.
Hinangaan ng LRTA ang dedikasyon ng mga ito dahil sa mas pinili pa rin nila ang kapakanan ng mas maraming Pilipino sa halip na kasama ang kani-kanilang pamilya nitong Semana Santa. | ulat ni Jaymark Dagala