Suspindido muna hanggang sa Lunes ang biyahe ng mga tren ng Philippine National Railways (PNR) sa linyang Calamba-Lucena dahil sa isinasagawang pagkukumpuni nito ng isang bahagi dahil sa nangyaring insidente kahapon.
Ayon sa social media post ng PNR, isang backhoe ang bumagtas sa Mulawin Bridge dahilan upang ma-misalign ito.
Agad namang isinagawa ang repair sa nasabing tulay na nagresulta sa pansamantalang pagtigil ng biyahe.
Inaasahang matatapos ang nasabing pagkukumpuni hanggang sa Lunes upang masiguro ng pamunuan ng PNR ang integridad at tibay ng Mulawin Bridge upang ligtas na madaanan ng mga tren.
Humingi naman ng pang-unawa ang PNR dahil sa pagkaantala ng kanilang biyahe sabay pagsiguro sa prayoridad ng ahensya para sa isang ligtas at komportableng biyahe para sa lahat ng mananakay nito.| ulat ni EJ Lazaro