Muli na namang nagparamdam ng abnormal na aktibidad ang bulkang Taal sa Batangas bago magtanghali ngayong araw.
Sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), nagkaroon ng steam driven event o phreatic activity sa main crater ng bulkan dakong alas-11:02 kaninang umaga.
Ang aktibidad ay tumagal ng limang minuto at nakalikha ng 300 metrong taas ng steam plume na napadpad sa hilagang kanluran.
Una nang nakapagtala ng dalawang magkasunod na phreatic event ang phivolcs sa bulkan kaninang umaga na tumagal din ng ilang minuto
Sa kabila nito, nanatili pa ring nakataas sa alert level 1 ang status ng bulkan.
Bago ito, walang naitalang volcanic earthquake ang bulkang Taal sa nakalipas na 24 oras.
Gayunman, nakitaan pa rin ito ng upwelling ng mainit na volcanic fluids sa lawa at pagbuga ng aabot sa 2,104-sulfur dioxide. | ulat ni Rey Ferrer