Pinaigting na rin ng Caloocan local government ang hakbang nito para maiwasan ang lalong pagkalat ng sakit na pertussis o “whooping cough” sa lungsod.
Sa pangunguna ng City Health Department (CHD), isang vaccine drive na ang inilunsad ng LGU sa Caloocan North Medical Center (CCNMC) para magbakuna sa mga sanggol.
Kasabay nito namahagi rin ang pamahalaang lungsod ng bitamina at mga gamot laban sa iba’t ibang sakit na karaniwan sa mga bata.
Kasunod nito, hinikayat ni Mayor Along Malapitan ang mga magulang na pabakunahan na ang mga anak, upang magkaroon sila ng proteksyon laban sa mga sakit na nakakamatay o maaaring magdulot ng iba pang komplikasyon.
Sa kasalukuyan, mayroong 12 kaso ng pertussis ang naitala sa lungsod.
“Kagaya po ng dati, palagi niyo pong kasama ang pamahalaang lungsod at nanatili po kaming naka-alerto upang labanan ang Pertussis. Ang hiling ko lang po, alagaan po natin ang kalusugan ng ating mga pamilya sa pamamagitan ng pagpapabakuna, malinis na pangangatawan, at masustansyang pagkain,” pahayag ni Mayor Along. | ulat ni Merry Ann Bastasa