Nanawagan ang konseho ng lungsod ng Cebu kay City Agriculturist Joelito Baclayon na bumaba ito sa katungkulan dahil sa bigo itong maipatupad ang mga El Niño mitigating measures na matagal ng isinumite sa kanyang opisina.
Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Councilor Pastor Alcover Jr., chairperson ng committee on Agriculture and Rural Development ng Cebu City Council na noon pang Marso 2023 nito isinumite sa opisina ni Baclayon ang mga request ng mga magsasaka sa mountain barangays bilang paghahanda sa epekto ng El Niño ngunit hindi umano naibigay.
Ayon pa kay Alcover na hindi nagamit ng maayos ang pondong inilaan sa opisina ni Baclayon noong mga nakaraang taong para sana sa mga magsasaka dahilan para maibalik ang pera sa kaban ng lokal ng pamahalaan ng Cebu City.
Kabilang sa hindi naipatupad na plano ay paggawa ng mga mini dam at water catchment facility na nilaanan na ng pondong P30 million.
Hindi rin ikinatuwa ni Councilor Jocelyn Pesquerra ang request ng CAD na P80 million na kukunin sa Calamity fund para sa Agriculture Expenditures bilang bahagi ng El Niño Phenomenon preparedness at emergency response.
Nakasaad kasi sa paglalaanan ng pondo ay ang pagbili ng mga binhi, abono, pesticides at iba pang materyales at ekipo na ayon kay Councilor Pesquerra hindi naayon na ipatupad ngayon dahil wala namang tubig na magagamit ang mga magsasaka para mabuhay ang mga ibibigay na binhi.
Sinabi rin ng mga farmers association na hindi nila kailangan ang binhi ngayon dahil mas higit na kailangan nila ay tubig at mga drums na paglalagyan ng tubig sakaling may dumating na rasyon.| ulat ni Angelie Tajapal| RP1 Cebu