May limang araw pa para maghain ng Motion for Reconsideration (MR) sa Commission on Elections En Banc si Cagayan Governor Manuel Mamba.
Ito ay para iapela ang disqualification order ng 1st Division ng COMELEC na inilabas kahapon.
Hangga’t wala pang pinal na desisyon, mananatili at ipagpapatuloy pa rin ni Gov. Mamba ang kaniyang tungkulin bilang gobernador ng lalawigan.
Umaapela si Gov. Mamba sa mga taga Cagayan na maging kalmado at mahinahon dahil handa ang gobernador na harapin ang lahat ng mga gawa-gawang asunto laban sa kaniya sa mga prosesong ibinibigay ng batas.
Matatandaang ganito din ang naging sitwasyon ni Gov. Mamba nang maglabas ng disqualification order ang 2nd Division ng Comelec noong Disyembre 2022 kung saan ibinasura ng Comelec En Banc ang desisyon ng nasabing dibisyon ng Komisyon. | ulat ni Rey Ferrer