Naging mabunga sa pangkalahatan ang naging Congressional Mission sa Libya sa pangunguna ni House Committee on Overseas Workers Affairs Chairman at KABAYAN Party-list Representative Ron Salo.
Aniya, sa kanilang pagbisita ay lumalabas na bumuti na ang sitwasyon ng seguridad sa rehiyon at naging “stable” ang working environment para sa OFWs.
“Libya is proving to be a land of opportunity for our kababayans, far safer and promising than often portrayed in the media,” saad ni Salo.
Katunayan mas pinipili aniya doon ang Filipino workers sa mga kritikal na sektor gaya ng healthcare, oil and gas, education at food manufacturing dahil na rin sa kakayanan at work ethic ng mga manggagawang Pilipino.
Muli rin aniyang nabuhay ang pag-asang makapagpapadala ang Pilipinas ng mga manggagawa sa bansang Libya.
Kasunod ito ng rekomendasyon ng Philippine Charge d’Affaires sa Tripoli na si Alan Roi Gabriola na bumuo ng polisiya para sa “selective deployment” na ang target ay sa mga nabanggit na sektor.
Kaya naman positibo si Salo na maaaring maibalik ang Filipino workforce sa Libya sa 30,000 hanggang 40,000.
Ilan pa sa mga natalakay ng kanilang pagbisita ang pagresolba sa mga isyu ng hindi nababayarang sahod ng Filipino nurses, discrepancies o agwat sa kompensasyon kumpara sa ibang nationalities at employee-covered fees.
Isang assessment report na naglalaman ng findings at kasunduan sa naging pulong ang isusumite sa Department of Migrant Workers, DFA at kay House Speaker Martin Romualdez. | ulat ni Kathleen Jean Forbes