Tiniyak ngayon ng Department of Agriculture na nakahanda na ang mga hakbang nito para maiwasan ang banta ng anthrax sa bansa.
Kasunod ito ng napaulat na anthrax outbreak sa ilang bansa katulad ng Laos na dulot ng isang uri ng bacteria na nabubuo mula sa isang “spore” na tinatawag na Bacillus anthracis.
Kadalasang tinatamaan nito ay mga ruminant gaya ng mga kalabaw, baka at mga kambing.
Ayon kay DA Asec. Constante de Jesus Palabrica, walang dapat ikaalarma dahil handa ang Bureau of Animal Industry rito.
Katunayan, mayroon aniyang locally made na bakuna at may sariling laboratoryo din aniya ang BAI na agad mapapakilos para maiwasang kumalat ang sakit sa livestock sector sa bansa.
Hindi rin aniya ito tulad ng ASF na madaling makahawa.
Sa Pilipinas naman, may mga una nang naiulat noong kaso ng anthrax na agad din namang nakontrol. | ulat ni Merry Ann Bastasa