Naghahanda na ng mga programa ang Department of Agriculture (DA) upang makahikayat ng mga kabataang Pilipino na magkaroon ng interes na lumahok sa agrikultura.
Ito ang inihayag ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. sa ginanap na send-off ng 23 scholars para sa Young Filipino Farm Leaders Training sa Japan.
Sinabi ng kalihim, na magbibigay ang DA ng resources upang mas maraming kabataang Pinoy ang makilahok sa International Exchange Programs.
Layunin nito, na ipakilala sa kanila ang mga bagong teknolohiya at kasanayan na kanilang ibabalik upang makatulong sa modernisasyon ng agrikultura ng Pilipinas.
Aniya, malinaw ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gawing moderno ang agrikultura at hikayatin ang mga kabataang Pilipino na makisali sa sektor.
Naniniwala ang kalihim, na makapagbibigay ito ng halos 4 sa bawat 10 trabaho sa bansa ngunit nag-aambag lamang ng mas mababa sa one-fifth ng gross domestic product. | ulat ni Rey Ferrer