Hinimok ni Senador Sherwin Gatchalian ang pamahalaan na maghanap ng mga potensyal na mapagkukunan ng tubig para matugunan ang kakulangan ng suplay sa gitna ng patuloy na El Niño weather phenomenon.
Ayon kay Gatchalian, kailangang bumuo ang gobyerno ng isang komprehensibong programa na sapat na tutugon sa kakulangang ito.
Nauna nang inihain ng senador ang Senate Resolution 691, na humihimok sa buong gobyerno ng Pilipinas na gumawa ng mga paghahanda para masugpo ang masamang epekto ng El Niño phenomenon sa lahat ng larangan, kabilang sa suplay ng tubig.
Iminungkahi na rin ng senador ang pagkuha ng suplay ng tubig sa Laguna de Bay para sa Metro Manila at mga karatig na lugar.
Pero maliban sa Laguna de Bay, dapat pa rin aniyang pag-aralan ng gobyerno ang iba pang posibleng mapagkukunan ng tubig na tutugon sa potensyal na kakulangan ng tubig sa mga susunod na mga taon.
Pinunto pa ng mambabatas ang kamakailang inilabas na UN World Water Development Report 2024, na nagsasaad na ang lumalaking kakulangan ng suplay ng tubig ay nakakadagdag sa instability ng bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion