Nahuli na ng Quezon City Police District (QCPD) ang dalawang indibidwal na sangkot sa pamemeke ng QCitizen IDs for Persons with Disabilities (PWD).
Kinilala ang mga naaresto na sina Deline Pacala Banaag, taga Vicente Village, Bagong Silangan, Quezon City, at Jaywen Doctama Laurino, ng Brgy. 176 Phase 8 Bagong Silang, Caloocan.
Bago ang pag-aresto, ipinagbigay alam ng QC Persons with Disability Affairs Office (PDAO) sa QCPD ang pagtaas ng bilang ng mga nakukumpiskang fake IDs mula sa ilang kliyente.
Matapos ang isinagawang imbestigasyon, ikinasa ang entrapment operation at nahuli ang dalawang idibidwal sa Bagong Silang, Phase 1 Brgy. 176 Bagong Silang, Caloocan City.
Nakumpiska sa kanila ang limang (5) piraso ng pekeng QCitizen ID Card para sa mga PWD, dalawang (2) cellular phone, isang (1) black coin purse, isang (1) susi ng motorsiklo, at isang (1) unit na Yamaha Gravis.
Kakasuhan ang mga ito ng paglabag sa Article 172 o ang Falsification by Private Individuals and Use of Falsified Documents may kaugnayan sa R.A 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.| ulat ni Rey Ferrer