Inaasahang makararanas ng mas mainit na temperatura gayundin ang ‘danger level’ na heat index ang ilang lugar sa bansa ngayong unang araw ng Abril.
Batay sa heat index forecast ng PAGASA, posibleng umabot sa 43°C ang heat index sa dalawang lugar sa bansa.
Kabilang dito ang Aparri, sa Cagayan at Catarman sa bahagi ng Northern Samar.
May dalawang lugar din ang tatamaan ng hanggang 42°C ang heat index kabilang ang Pili sa Camarines Sur at Zamboanga City.
Kapag umabot na sa ‘danger level’ ang heat index, posibleng mauwi sa heat cramps at heat exhaustion ang matagal na exposure sa araw ng isang indibidwal.
Dito naman sa Metro Manila, posibleng umabot din sa hanggang 40°C ang alinsangan na pasok na rin sa ‘extreme caution.’
Kahapon, naitala sa Catarman, Northern Samar ang pinakamataas na heat index sa bansa na pumalo sa 45°C.
Hinihikayat ng PAGASA ang publiko na uminom ng maraming tubig at manatili sa loob ng bahay kung kinakailangan upang makaiwas sa sakit na dala ng sobrang init. | ulat ni Merry Ann Bastasa