Imbes na manawagan sa pagbibitiw ng Pangulo ay magbigay na lang dapat ng kongkretong solusyon si dating Speaker Pantaleon Alvarez na maaari niyang maiambag para sa resolusyon ng sigalot sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ang sinabi ni House Deputy Majority Leader Janette Garin bilang reaksyon sa pahayag ni Alvarez na dapat ay bumaba na lang sa pwesto si PBBM para mapahupa ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China sa WPS.
Ayon kay Garin, ang isang halal na opisyal ay maaari lamang alisin sa pwesto ng mismong mga bumoto sa kaniya.
Kaya hindi aniya patas na manawagan ang sinuman na magbitiw ang Presidente lalo na kung hindi naman nito matukoy kung mayroong pagkukulang ang Pangulo.
Payo pa ni Garin, mas magandang tanungin ang ating mga sarili kung ano ang maiaambag natin para makatulong sa naturang isyu.
Paalala ng Iloilo solon na matagal nang isyu ang territorial dispute sa WPS at hindi lang ito sa pagitan ng Pilipinas at China dahil mayroon din iba pang claimant countries.
Kaya naman hindi aniya ito mareresolba overnight.
Ang mahalaga ani Garin ay ipinapakita ng administrayong Marcos na hindi isusuko ng Pilipinas ang kahit na isang pulgada ng teritoryo nito.
Sa kabila naman nito ay naniniwala ang kongresista na hindi dapat putulin ang economic ties ng Pilipinas at China dahil ang pagiging trade partners ng dalawang bansa ay may malaking ambag sa ating ekonomiya.| ulat ni Kathleen Forbes