DBM, nagbabala sa mga indibidwal o grupo na nagpapanggap na mga opisyal ng ahensya para mangikil

Facebook
Twitter
LinkedIn

Naglabas ng mahigpit na babala si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Mina Pangandaman laban sa mga mapanlinlang na plano na isinagawa ng mga indibidwal na nagpapanggap bilang mga opisyal o tauhan ng DBM.

Ito ay matapos arestuhin ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang walong indibidwal na nagpapanggap bilang mga opisyal o konektado sa DBM.

Ang mga pekeng indibidwal ay inaresto noong ika-26 ng Marso, 2024 sa isang entrapment operation sa Lungsod ng Mandaluyong.

Kamakailan, natuklasan ng NBI na isa sa mga suspek ay nagpanggap bilang isang undersecretary ng DBM habang nakikipag-ugnayan sa mga biktima kung saan pinapalabas na siya ay namumuno sa mga espesyal na proyekto sa loob ng ahensya.

Sa kanilang mapanlinlang na plano, hinimok ng mga suspek ang complainant sa pamamagitan ng pangako ng mga proyektong nagkakahalaga ng ₱1.3-billion kung papayag ito sa inihain na kasunduan.

Gayunpaman, agad nagsagawa ang mapagbantay na complainant ng initial verification sa DBM kung saan natuklasan niya na walang record ang ahensya ng officer na ganoon ang pangalan, at ang proyektong binanggit ng mga suspek ay wala sa opisyal na talaan ng ahensya.

Dahil sa pagkilala sa kabigatan ng sitwasyon, mabilis na nakipagtulungan ang DBM sa NBI para mag-set up ng entrapment operation.

Nadakip ang mga suspek sa isang restaurant sa Mandaluyong City matapos tanggapin ang marked money na nagkakahalaga ng ₱500,000 mula sa NBI.

Samantala, sa isang panayam kamakailan sa programang Usapang Budget Natin sa Radyo Pilipinas, inihayag ni Attorney Jerome Bomediano, Chief ng NBI Anti-Organized and Transnational Crime Division, na ang walong indibidwal na nagkunwaring opisyal ng DBM ay kakasuhan ng Estafa sa ilalim ng Revised Penal Code 135 at Usurpation of Authority sa ilalim ng Binagong Kodigo Penal 177.

Bukod dito, hinihikayat ni Atty. Bomediano ang publiko na agad na i-report sakaling may mabatid na mga grupo o indibidwal na nagpapanggap na mataas na opisyal sa gobyerno. | ulat ni Michael Rogas

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us