Hindi na palalawigin pa ang ‘jeepney consolidation’ o pagsasama-sama ng mga operator at driver sa isang kooperatiba o korporasyon para sa Public Utility Modernization Program (PUVMP).
Ginawa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang pahayag sa katatapos na Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Bagong Pilipinas Townhall Meeting ngayong araw.
Ayon sa Pangulo, wala ng extension ang deadline ng PUVMP consolidation dahil kailangan na kailangan na aniyang ipatupad ang programa.
Sinuportahan naman ito ni Transportation Secretary Jaime Bautista.
Binigyang diin ni Bautista, na ang pagsasama ng mga operator at driver sa kooperatiba o korporasyon ay makatutulong na matugunan ang mabigat na trapiko sa Metro Manila, at magkakaroon ng mas maayos na operasyon ang mga pampublikong jeep.
Ito aniya ay dahil magkakaroon ng tamang fleet management at dispatch system, dahil magkakaroon ng standard para matiyak ang ligtas at maayos na biyahe ng mga pasahero. | ulat ni Diane Lear