“Pagpapatawad, pang-unawa at pagbibigay”
Ito ang mensahe ng Department of National Defense (DND) kaalinsabay ng pagdiriwang ng mga kapatid na muslim ngayong Eid’l Fitr.
Ayon kay Defense Sec. Gilberto Teodoro Jr, kaisa siya ng Islamic Community sa pagdiriwang at hangad niyang tanggapin ni Allah ang kanilang pagsamba gayundin ang pag-aalay sa masayang araw na ito.
Ngayong nagtapos na ang banal na buwan ng Ramadan, sinabi ni Teodoro na panahon ito upang ilaan ang sarili sa mga minamahal sa buhay gayundin ay magpatawad at mag-unawaan.
Ipinaabot din ng Kalihim ang kaniyang panalangin para sa mga kapatid na muslim na tumugon pa rin sa tawag ng tungkulin na sana’y panatilihing ligtas ang kanilang pamilya.
Sa huli, binanggit pa ni Teodoro ang isang kataga mula sa banal na aklat ng Qur’an hinggil sa Zakat o ang pagbibigay, dahil dito aniya’y makasusumpong ng gantimpala ang sinumang nagiging bukas palad sa kapwa. | ulat ni Jaymark Dagala