Tuluyan nang kinansela ng Department of Environmental and Natural Resources ang Protected Area Community-Based Resource Management Agreement (PACBRMA) ng People’s Organization ng Socorro Bayanihan Services Incorporated.
Inanunsyo ito ni DENR Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga sa isang pulong balitaan sa DENR Central Office.
Ayon sa kalihim, naisilbi na kaninang umaga ang closure order sa SBSI na maayos naman aniyang tinanggap ng grupo.
Dahil dito, paalisin na sa 300 ektaryang protected area ang nasa higit 1,000 sambahayan ng SBSI.
Paliwanag ng DENR, patong patong ang naging paglabag ng SBSI sa protected area deal kasama na ang pagtatayo ng mga iligal na struktura gaya ng wage pool, radio station na hindi naaayon sa protected management plan.
Sunod namang makikipagpulong ang kalihim sa DILG at DSWD para masiguro ang maayos na reintegration gayundin ang resettlement ng mga miyembro ng komunidad na maaapektuhan ng desisyong ito.
Una nang pinatawan ng suspension order noong Sept 2023 ang SBSI nang maging sentro ito ng kontrobersya dahil sa sinasabing mala’kultong’ pamamalakad nito.
Sa ngayon, ongoing na rin ang imbentaryo at imbestigasyon ng DENR sa compliance ng lahat ng inisyu nitong PACBRMA. | ulat ni Merry Ann Bastasa