Mariing kinokondena ng Department of Education (DepEd) ang pagpatay sa isang Grade 8 student mula sa Agoncillo, Batangas.
Sa isang pahayag, nagpaabot ng pakikiramay at panalangin ang ahensya para sa pamilya at kaibigan ng biktima.
Ayon sa DepEd, ang ganitong uri ng hindi makataong gawain ay walang lugar sa ating mga komunidad, lalo na sa kabataan na siyang hinuhubog bilang tagapagsulong ng ating bayan.
Kasabay nito, nananawagan ang DepEd sa mga lokal na awtoridad na panagutin ang may gawa nito at makamit ang hustisya.
Tiniyak naman ng DepEd ang pagbibigay ng isang ligtas at child-friendly environment sa mga paaralan, para sa mga guro at mag-aaral.
Hinimok din ng ahensya ang mga awtoridad na patibayin ang mga hakbang para sa seguridad upang masiguro ang kaligtasan at proteksyon ng ating kabataan sa loob at labas ng ating mga paaralan.
Magugunitang ang biktimang estudyante na si Jenny Balacuit, 13 taong gulang , ay papasok sana ng paaralan kasama ang kaniyang kapatid at ilang kaanak nang barilin nang malapitan sa batok ng suspek. | ulat ni Diane Lear