Inanunsiyo ng Department of Education (DepEd) na wala munang face-to-face classes sa Lunes, April 15 hanggang Martes, April 16.
Sa abiso ng DepEd ngayong hapon, magpapatupad ito ng asynchronous classes o distance learning sa mga nabanggit na petsa.
Layon nitong makumpleto ang mga pending na assignment, project, at iba pang requirement ng mga mag-aaral lalo pa’t nalalapit na ang pagtatapos ng school year.
Pati ang mga teaching at non-teaching personnel sa lahat ng pampublikong eskwelahan ay hindi na required na pumasok.
Gayunman, ang mga aktibidad na inorganisa ng regional at schools division offices tulad ng regional athletic association meets at iba pang programa ay maaari pa ring ituloy sa itinakdang araw.
Hindi naman kasama sa abiso ang mga pribadong paaralan subalit maaari rin nilang gawin ang kaparehong hakbang. | ulat ni Diane Lear