Patuloy pang nadaragdagan ang bilang ng mga lokalidad na nagdedeklara ng suspensyon ng face-to-face classes ngayong araw bunsod ng maalinsangang panahong dulot ng tag-init.
Batay sa 9AM update ng Department of Education (DepEd), pumalo na sa 19 na Local Government Units (LGUs) ang una nang nag-anunsyo ng paglilipat sa Alternative Delivery Modules para sa araw na ito.
Kabilang na rito ang Quezon City, Dagupan City sa Pangasinan, Polangui sa Albay, Maasin Central School sa Maasin City.
Pitong LGU naman ang nagsuspinde ng face-to-face classes sa Western Visayas, dalawa sa Zamboanga Peninsula, at anim naman sa rehiyon ng SOCCSKSARGEN.
Maliban dito, nag-anunsyo na rin ng suspensyon sa in-person classes ang mga Lungsod ng Maynila gayundin ng Muntinlupa. | ulat ni Jaymark Dagala