Nagpaalala ang Department of Education (DepEd) sa mga principal o pinuno ng mga paaralan sa bansa hinggil sa kanilang mga kapangyarihan at pananagutan.
Kaugnay ito sa pagpapasya hinggil sa pagsususpinde ng “in-person” classes sa kanilang nasasakupang paaralan bunsod na rin ng nararanasang matinding init ng panahon.
Sa mensaheng ipinadala ni DepEd Spokesperson, Undersecretary Michael Poa sa Radyo Pilipinas, sinabi nito na batid naman ng mga School official na nananatiling prayoridad ang kalusugan at kapakanan ng mga mag-aaral at mga kawani ng paaralan.
“Bearing in mind that the health and welfare of our learners and school personnel are of utmost priority, the principals or school heads have been reminded of their authority and responsibility to suspend in-person classes and switch to alternative delivery modes (modular, online, etc) when the school environment is no longer conducive due to extreme heat,” ani USec. Poa.
Una nang sinabi ng DepEd na kanila nang ipinauubaya sa mga opisyal ng paaralan ang pagpapasya kung hindi muna papapasukin ang mga mag-aaral at sa halip ay lumipat sila sa Alternative Delivery Modules kung higit na kinakailangan.
Magugunitang kahapon, April 1, nasa 13 lokalidad ang nagsuspinde ng kanilang in-person classes sa mga paaralan at lumipat sa Alternative Delivery Modules bunsod ng naranasang maalinsangang panahon sa kanilang lugar.
Isa rito ay mula sa Ilocos Region partikular na ang Dagupan City sa Pangasinan, walo sa Western Visayas, dalawa sa Zamboanga Peninsula, at dalawa sa SOCCSKSARGEN. | ulat ni Jaymark Dagala