Tiniyak ng Department of Foreign Affairs at Department of Migrant Workers ang kanilang kahandaang respondehan ang mga OFW sa Middle East sakaling magka-giyera doon.
Sa ipinatawag na briefing ng House Committee on Overseas Workers Affairs, natanong ni KABAYAN party-list Rep. Ron Salo, Chair ng Komite na sa scale na 1 to 10, ay gaano na ba kahanda ang ating pamahalaan na tumugon sa krisis sa Middle East sakaling lumala ito.
Walang pag-iimbot na tugon ni DFA Usec. Eduardo De Vega na 9 out of 10 nang handa ang pamahalaan.
Sinegundahan ito ni DMW Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac bilang isang ‘one country team’.
Una nang sinabi ni Cacdac na matapos ang pag-atake ng Iran sa Israel ay nagkaroon sila ng video conference para ilatag sa Filipino Community doon ang contingency plan kung mauwi sa giyera ang tensyon.
Kada embahada rin ng Pilipinas sa Middle East ay mayroon na anilang nakahandang contingency plan para sa kaligtasan ng mga Pilipino doon.