Nanawagan si KABAYAN Party-list Rep. Ron Salo sa Department of Foreign Affairs (DFA) na samantalahin ang nalalapit na pagtatapos ng Ramadan para maisulong ang paggawad ng clemency sa overseas Filipino workers (OFWs) na nahatulan dahil sa mga nagawang krimen.
Ayon sa Chairperson ng House Committee on Overseas Workers Affairs, ang pagtatapos ng banal na buwan ng Ramadan ay panahon ng pagtitika at kapatawaran na pabarobleng panahon para humingi ng pardon.
“As Ramadan nears its end, we urge the DFA and Philippine Embassies in Muslim countries to make the necessary representation and actively intercede on behalf of our kababayans who are facing sentences abroad,” ani Salo.
Hinimok din nito ang iba pang stakeholders, kasama ang Department of Migrant Workers, Overseas Workers Welfare Administration, at Commission on Filipinos Overseas para suportahan ang diplomatikong hakbang ng DFA sa paghingi ng clemency.
Batay sa datos ng DFA, hanggang nitong March 2023, nasa 83 OFWs ang nasa death row habang mayroong 1,267 na naka-detine o nakakulong kung saan karamihan sa mga ito ay nasa Middle East at Muslim countries.
Tinukoy ni Salo, na tradisyon na ng Muslim leaders na magbigay ng royal clemency tuwing Ramadan gaya ng commutation of sentence o pagpapababa ng sentensya o kaya naman ay complete pardon.
“It is a collective effort that requires the support and prayers of our entire nation. We stand in solidarity with our overseas Filipinos and their families during this challenging time, hoping for their eventual return to our home,” ani Salo. | ulat ni Kathleen Forbes