Magtutulungan ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) para sa pagsasakatuparan ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) Program.
Isang Memorandum of Understanding (MOU), ang nilagdaan ni DHSUD Undersecretary Emmanuel Pineda at PCCI President Enunina Mangio para sa pagtutulungan.
Binigyang-diin ni DHSUD Usec. Pineda ang mga layunin ng programa, hindi lamang upang matugunan ang backlog ng pabahay kung hindi pati na rin ang pag-angat ng ekonomiya sa buong bansa.
Sa panig ni PCCI President Mangio, kinilala nito ang potential programs upang pasiglahin ang ekonomiya ng bansa.
Magkakaroon ng mga oportunidad sa trabaho tulad ng pagpapatayo ng pabahay at pagpapaunlad ng township sa ilalim ng 4PH, at ang planong magtatag ng mga proyektong pabahay sa loob ng mga economic zone sa buong Pilipinas.
Isang diskarte na naglalayong pahusayin ang produktibidad at bawasan ang turnover rates sa mga zone locator.
Bukod pa dito ang technical aspects ng nasabing mga proyekto, kabilang ang amenities at basic services.
Napagkasunduan din ng dalawang panig ang pagsasagawa ng roadshows, pagpapadali sa pag-access sa mga ahensya ng pagpopondo, pagpapaunlad ng corporate social responsibility, pakikipagtulungan para sa post-takeout sustainability at paghingi ng mga rekomendasyon sa sektor ng negosyo para sa programa. | ulat ni Rey Ferrer