Patuloy na bineberipika ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang lawak ng pinsalang dulot ng nangyaring hacking sa sistema ng Department of Science and Technology.
Kasunod ito ng kumpirmasyon na nabiktima ng ransomware attack ang sistema ng DOST kung saan na-locked out ang ahensya mula sa sarili nilang sistema at nasa dalawang terabytes ang nakompromiso.
Ayon kay DICT Spokesperson Asec. Aboy Paraiso, ito na ang pinakamalaking data storage na nakompromiso sa isang ahensya sa ilalim ng Marcos admin.
Gayunman, hindi ito kasing lala ng nangyari sa PhilHealth kung saan mas sensitibo ang mga impormasyong na-hack.
Paliwanag nito, karamihan ng mga datos ng DOST na nakompromiso ay mga research, disenyo at proposals, iba’t ibang imbensyon pati na ang mga backup at datos sa ongoing na mga proyekto ng ahensya.
Sa ngayon, nakipag-ugnayan na aniya ang DICT sa ibang security agencies kung mayroon itong proyekto katuwang ang DOST na maaari ring nadamay.
Kasunod nito, tiniyak naman ng DICT na kontrolado na ang sitwasyon sa DOST at hinihintay na lang nilang makuha ang full access sa sistema nito para sa malalimang imbestigasyon sa insidente. | ulat ni Merry Ann Bastasa