Nakatakdang makipag-ugnayan ang Department of Information and Communications Technology sa Commission on Elections hinggil sa nalalapit na 2025 elections.
Ayon kay DICT Sec. Ivan John Uy, pinag-aaralan na nila ang posibleng masamang epekto ng teknolohiyang artificial intelligence sa nalalapit na halalan.
Dahil dito ay nais nilang ipaalam sa COMELEC ang mga paraan at galawan ng mga scammers o mananamantala para makapanggulo sa 2025 elections.
Nabatid na nakikipagpulong na si Uy at ang kaniyang opisina sa iba’t ibang mga bansa na nagsasagawa ngayon ng halalan para malaman kung nagagamit na ba ang AI sa masamang paraan at kung paano ito maiiwasan. | ulat ni Lorenz Tanjoco