Diskriminasyon sa solo parents, nais paimbestigahan ng isang mambabatas

Facebook
Twitter
LinkedIn

To the rescue si Bagong Henerasyon Party-list Rep. Bernadette Herrera sa mga solo parent na mga magulang na aniya ay tila hindi nabibigyan ng kaukulang pansin ng pamahalaan.

Ayon kay Herrera na umaming isa ring solo parent, marami pang kailangang punan ang gobyerno upang matulungan ang mga solo breadwinner, legal guardian, at caregiver.

Binanggit ni Herrera ang bagong adhikain ng Bagong Henerasyong Party-list, na “I-angat ang Lahat ng Pamilya” na siya aniyang sumisimbolo sa mas pinaigting na pagkilala sa mga pangangailangan ng mga “soloista” at kanilang pamilya.

Ibinahagi ng mambabatas ang isang pag-aaral na nagsasabing mahigit-kumulang 15 million na ang naitalang solo parents sa bansa, at 95% nito ay babae.

Dagdag pa ni Herrera, karaniwan sa mga soloista ay hirap makakuha ng benepisyong nakasaad sa Solo Parent Act kabilang na dito ang pagkuha ng mismong solo parent ID.

May mga establisyimento rin umano ang hindi tumatanggap o nagbibigay ng kaukulang diskwento o benepisyo sa mga solo parent ID holder.

Sa pangunguna ni Herrera, inihain ng BH Party-list ang House Resolution No. 1681 na magpapaigting sa Expanded Solo Parents Welfare Act o Republic Act No. 11861. Dahil sa mga amyenda ng HR No. 1681, napalawak sa batas ang depenisyon ng isang solo parent at naisama na sa kategoryang ito ang mga asawa ng overseas Filipino worker (OFW) na nananatili sa bansa upang alagaan ang kanilang mga anak, at ang mga buntis na walang kinakasama. Kasama rin sa mga amyenda ang pagbibigay prayoridad sa mga solo parent na gustong kumuha ng work-from-home agreement mula sa kanilang mga employer ayon sa Telecommuting Act at ilan pang mga benepisyo.

Ayon kay Herrera, kailangang mas palawakin at bigyang pansin ang batas na ito upang masigurado na mayroon itong sapat na pondo at implementasyon.

Agad naman nagpaabot ng pakikiisa ang mga personalidad na sina Robert Nazal, Presidente ng YSA Skin Care Clinic, at Rodolfo Medina Jr., Chief Executive Officer ng Medical Depot, na nangakong magbibigay ng diskwento sa lahat ng solo parent.

Ayon kay Nazal, magbibigay ito ng 10% discount sa lahat ng tanggapan ng YSA Skin Care Clinics bilang pagkilala at suporta sa mga soloista sa komunidad, nais nilang iparating sa kanila na may mga nagmamalasakit sa kanila.

Nagpasalamat si Herrera sa malugod na pagtugon sa adbokasiya ng Solon ng Soloista, “ipakita po natin sa ating mga soloista na may back-up na sila,” iginiit ni Herrera. | ulat ni Michael Rogas

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us