Nakatakdang magpatawag ng pulong balitaan ngayong araw ang Department of Migrant Workers (DMW) para magbigay ulat hinggil sa kalagayan ng mga Overseas Filipino Worker o OFW sa nangyaring malawakang pagbaha sa United Arab Emirates (UAE).
Batay sa abiso ng DMW, alas-2 mamayang hapon isasagawa ang pulong balitaan sa tanggapan nito sa Ortigas, Mandaluyong City na pangungunahan ng kanilang Officer-In-Charge na si USec. Hans Leo Cacdac.
Kabilang sa mga inaasahang i-uulat ni Cacdac ang pagpapa-uwi sa labi ng 3 OFW na nasawi sa kasagsagan ng pagbaha roon.
Una rito, nagpahatid ng tulong ang DMW sa mga Pilipinong apektado ng malawakang pagbaha sa UAE katuwang ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Pinangunahan ng Migrant Workers Office sa Dubai (MWO-Dubai) at grupo ng mga Pilipinong volunteer ang pagbibigay ng ayuda sa mga apektadong OFW sa Al Wahda sa Sharjah.
Tinatayang 50 benepisyaryo ang nakatanggap ng relief packs na naglalaman ng tubig, bigas, mga delata, noodles, at hygiene kits.
Bukod dito, namahagi rin ng 300 dirhams o katumbas ng P4,500 na tulong pinansyal ang Pamahalaan sa mga apektado ng pagbaha.
Ayon sa DMW, muling magsasagawa ng relief operation sa sandaling naisapinal na ang listahan ng mga benepsiyaryo.
Matatandaang tatlong mga Pilipino ang kumpirmadong nasawi noong kasagsagan ng pag-ulan at pagbaha sa UAE. | ulat ni Jaymark Dagala