Patuloy na nakabantay sa sitwasyon ang Department of Migrant Workers (DMW) matapos na tumama ang magnitude 6 at 6.3 na lindol sa Hualien County Taiwan, kaninang madaling araw.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Migrant Workers Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac, na sa ngayon wala pang naitatalang mga Pilipino na nasugatan o nasawi dahil sa pagyanig.
Ayon kay Cacdac, nagsasagawa rin ang Migrant Workers Office sa Taipei ng relief operations katuwang ang Manila Economic and Cultural Office kung saan mahigit 1,000 ang nabigyang ng tulong.
Sa ngayon, suspindido ang pasok sa mga paaralan at opisina sa Hualien County, at maraming mga daanan ang hindi passable dahil sa pagguho ng lupa dulot ng malakas na pagyanig.
Tiniyak naman ng DMW na nakikipag-ugnayan sila sa mga Filipino community at mga awtoridad sa Hualien County, upang matingan ang kondisyon ng mga OFW sakaling mayroong nasugatan. | ulat ni Diane Lear