Ipinaabot ni Department of Migrant Workers (DMW) Officer-In-Charge, Usec. Hans Leo Cacdac ang kanilang taos-pusong pakikiramay sa pamilya ng tatlong Overseas Filipino Workers (OFW) na nasawi dahil sa malawakang pagbaha sa United Arab Emirates (UAE).
Sa isang pahayag, tiniyak din ni Cacdac ang buong tulong at suporta na kanilang ibibigay sa mga pamilyang naulila ng 3 nasawing kababayan sa lugar.
Nakikipag-ugnayan na ang DMW sa mga tanggapan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Dubai at Abu Dhabi para sa pagpapaabot ng kaukulang tulong.
Una nang inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang kahandaan nilang tumulong para sa repatriation o pagpapauwi sa labi ng mga naturang OFW.
Batay sa ulat ng DMW, 2 sa mga nasawi ay pawang mga babae bunsod ng suffocation dahil nakulong sa kanilang mga sasakyan habang ang ikatlo naman ay nasawi bunsod ng aksidente sa kasagsagan ng pagbaha. | ulat ni Jaymark Dagala