Hahanapan ng paraan ng Department of Finance (DOF) na matustusan ang matagal nang nakabinbing Mindanao Railway Project (MRP) sa pamamagitan ng Public-Private Partnership (PPP) at Official Development Assistance o ODA.
Sa panayam kay Finance Secretary Ralph Recto, sinabi nito na ang unang plano ay popondohan ang proyekto sa pamamagitan ng PPP.
Pero aniya, mainam rin kung ito ay popondohan ng mga multilateral agency.
Kumpiyansa rin ang kalihim na tutulong ang Asian Development Bank at iba pa sa railway project sa Mindanao.
Ginawa ng kalihim ang pahayag kasunod ng panawagan sa kanya ni Surigao Del Sur Rep. Johnny Pimenetel, na hingin na ang tulong ng Japan para hindi maiwan ang Mindanao sa railway infrastructure development plan ng gobyerno.
Dagdag pa ng kalihim, inaantay din nilang maisapinal ng Department of Transportation ang pre-construction activity.
Pagtiyak ng DOF Chief, handa ang kagawaran na tumulong na makakuha ng ODA funding upang maisakatuparan ang Mindanao Railway Project. | ulat ni Melany Valdoz Reyes