Nakapagtala ang Department of Health (DOH)-Region 10 ng anim (6) na kaso ng sakit na Pertussis o whooping cough sa buong Northern Mindanao.
Batay ito sa datos na inilabas ng Research, Epidemiology Surveillance, and Disaster Response Unit (RESDRU) ng Center for Health Development – Northern Mindanao (CHD-NM).
Naitala ito sa unang 12 linggo simula Enero 1 hanggang Marso 23, 2024.
Batay pa sa pabatid ng kagawaran, wala namang naitalang namatay mula sa 6 na confirmed cases.
Ang mga ito ay mga batang wala pang isang (1) taong gulang at napag-alamang hindi pa ito nabakunahan.
Ayon kay DOH Undersecretary Eric Tayag, inaasahang darating sa Hunyo ngayong taon ang aabot sa 1 milyong bakuna laban sa naturang sakit.
Matatandaang umabot sa 568 ang kabuuang bilang ng kaso ng pertussis as of March 16 sa buong Pilipinas.
Ang Pertussis ay lubhang nakakahawang sakit na kumakalat sa pamamagitan ng pag-ubo o pagbahing.
Nakakaapekto ito sa baga at daluyan ng hininga na maaaring maging sanhi ng matinis at ipit na paghinga matapos ang pag-ubo.| ulat ni Sharif Timhar Habib Majid| RP1 Iligan