Nilinaw ng Department of Health (DOH) Davao na walang Pertussis outbreak sa rehiyon ngunit patuloy umano ang pagtaas ng bilang ng kaso nito.
Base sa record ng DOH Davao, nasa 52 kaso na ng whooping cough ang naitala sa Davao region kung saan 20 nito ay laboratory-confirmed.
Sa nasabing bilang, 20 kaso ang mula sa Davao del Norte, 13 sa Davao City, 12 sa Davao de Oro, 5 sa Davao Occidental, at dalawang kaso sa Davao del Sur.
Ayon kay Dr. David Mendoza, Assistant Regional Director ng DOH Davao, palalakasin pa ng ahensya ang pagbibigay ng bakuna lalo na sa mga batang may edad dalawang buwan hanggang anim na buwan.
Binigyang diin ng opisyal ang kahalagahan ng bakuna lalo na at 60% sa 20 laboratory-confirmed cases ay hindi bakunado.
Hinikayat rin nito ang local government units, mga magulang at komunidad na samantalahin ang immunization program ng pamahalaan laban sa vaccine preventable diseases.
Siniguro naman nito, na ligtas at may sapat na bakuna ang rehiyon na libreng ipinamimigay sa mga health centers. | ulat ni Shiela Lisondra
📷 DOH Davao