Aabot sa P7.6-million halaga ng seed capital ang ipinagkaloob ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa 25 livelihood associations sa Agusan del Norte.
Gagamitin ang pondo bilang start-up capitalization ng local entrepreneurs para sa kanilang mga negosyo.
Pinangunahan ni DSWD Assistant Secretary Florentino Loyola Jr. ang pagbibigay ng mga tseke at paggawad ng Civil Society Organizations Accreditation Certificates sa mga livelihood organization.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Loyola na mahalaga ang pagtutulungan ng mga benepisyaryo upang makamit ang isang matatag na kabuhayan.
Sa sandaling maipatupad na ang mga proyekto, sasailalim ito sa monitoring activities ng DSWD kasama ang iba’t ibang local government units sa lalawigan.
Layon nito na magabayan at mabigyan ng kinakailangang tulong teknikal ang mga asosasyon para sila ay magtagumpay.
Ang proyekto ay naisakatuparan sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program ng ahensya, isang capability- building program na naglalayong pahusayin ang katayuan ng socio-economic ng mga kalahok sa programa. | ulat ni Rey Ferrer