Pinalakas ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang ugnayan nito sa mga regional government offices at LGU sa Cordillera Administrative Region (CAR) para maalalayan ang mga ito sa pagtugon sa epekto ng El Niño.
Kasunod ito ng isinagawang ceremonial signing para sa Memorandum of Agreement (MOA) kaugnay ng pagpapatupad sa rehiyon sa Project LAWA at BINHI (Local Adaptation to Water Access and Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest for the Impoverished).
Ayon sa DSWD, sa ilalim ng kasunduan, paiigtingin ng DSWD ang paghahatid nito ng social protection services sa rehiyon partikular sa food security, water sufficiency, at community empowerment.
Sa kanya namang mensahe, ipinunto ni Secretary Rex Gatchalian ang kahalagahan ng whole of nation approach sa pagtugon sa impact ng El Niño partikular sa banta ng kakapusan ng pagkain at tubig.
“Among the steps the agency has done include the development of policies and partnerships that are inclusive, appropriate and responsive to the emerging and evolving trends of climate change adaptation and mitigation and disaster risk reduction,” ani Sec. Gatchalian.
Sa ilalim ng mga proyektong ito, magbibigay ang DSWD ng cash for training at work sa mga benepisyaryo tulad ng mga magsasaka, mangingisda, indigenous peoples (IPs), at iba pang climate at disaster-vulnerable families para sa learning at development sessions na may kinalaman sa water efficiency at food security.
Target itong ipatupad sa 61 lalawigan sa bansa para sa kabuuang 140,906 partner-beneficiaries. | ulat ni Merry Ann Bastasa