Para maasistehan ang mga taxpayer sa pag-aasikaso ng kanilang 2023 Annual Income Tax Return (AITR) ay binuksan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang Electronic Filing (eFiling)/Tax Assistance Center (TAC) nito sa BIR National Training Center (NTC) sa Quezon City.
Ayon sa BIR, nag-set up ito ng desktop computers sa naturang assistance center na maaaring magamit ng taxpayers sa kanilang electronic filing sa Electronic BIR Forms (eBIRForms) o Electronic Filing and Payment System (eFPS) facilities.
Bukas ang naturang Tax Assistance Center (TAC) hanggang April 15, 2024 mula 8:00 AM hanggang 5:00 PM.
Kaugnay nito, inatasan na rin ng BIR ang mga authorized agent banks na magbukas ng kanilang operasyon sa dalawang Sabado bago ang deadline ng ITR o sa April 6 at April 13.
Ito ay upang tumanggap ng bayad ng annual income tax returns.
Bukod dito, ang mga naturang bangko ay palalawigin ang kanilang business hours hanggang alas-5 ng hapon mula April 1-April 15 para tumanggap ng income taxes kasama ang ITR.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., ang mga hakbang na ito ay layong mapadali ang pagbabayad ng buwis. | ulat ni Merry Ann Bastasa